Nasakay sa isa sa dalawang helicopter na nagbanggaan sa himpapawid sa Brazil ang American alternative pop singer at internet personality na si Oliver Tree. Anim katao ang nasawi sa insidente, ayon sa isang source ng pulisya na nakausap ng Agence France-Presse (AFP).

Nakalista umano si Tree bilang isa sa mga pasahero sa manipesto ng isa sa mga helicopter, ayon sa source. Sinabi rin nito na hindi pa pormal na nakikilala ang mga biktima dahil sa matinding sunog na kanilang tinamo.

Nagbanggaan ang dalawang helicopter sa himpapawid noong Linggo ng umaga sa kanlurang distrito ng Recreio dos Bandeirantes sa Rio de Janeiro bago bumagsak sa paradahan ng isang dealership ng mga electric car. Dahil dito, humigit-kumulang 20 sasakyan ang nasunog, ayon sa mga bumbero.

Lima umano ang nakasakay isang helicopter, habang tanging piloto lamang ang sakay ng isa pa.

Walang nakaligtas sa aksidente.

Kabilang sa mga kasama ni Tree sa isang helicopter ay isang Brazilian music producer, isang Argentine video director, at ang Argentine YouTuber na si Gaspar Prim, na mas kilala online bilang si “Gaspi.”

Kilala ang 32-anyos na si Tree, sa kaniyang kakaibang bowl haircut at makulay at madalas gawing meme na personalidad sa internet. Sumikat siya sa mga kantang gaya ng Life Goes On, Miss You, at Alien Boy.

Mayroon siyang mahigit 11 milyong buwanang tagapakinig sa Spotify, at mahigit 700 milyong beses napakinggan ang mga pinakasikat niyang kanta.

Sa mga nakaraang araw, nagbahagi si Tree ng mga video sa kaniyang Instagram account habang nasa Brazil, kung saan nagtanghal siya sa Sao Paulo noong Hunyo 6 bilang bahagi ng kaniyang concert tour sa mahigit 30 bansa.

Sa Lisbon ang susunod niyang pagtatanghal sa July 1.

Nauna nang sinabi ni Eduardo Cavaliere, alkalde ng Rio de Janeiro, na may mga dayuhang sakay sa isa sa mga helicopter, ngunit hindi siya nagbigay ng karagdagang detalye.

Ayon kay Thamires Santos, 27, empleyado ng Burger King, nasa trabaho siya nang marinig niya ang isang napakalakas na pagsabog at nayanig maging ang kanilang tindahan.

Matapos ang banggaan, nakita niya ang mga piraso ng helicopter na “lumilipad sa iba’t ibang direksiyon.”

Sinabi ni Lieutenant Colonel Fabio Contreiras, tagapagsalita ng fire services, sa CNN Brasil na hindi pa malinaw kung paano eksaktong nangyari ang aksidente.

“Parts of the aircraft are scattered hundreds of meters away, so the information we have is still very preliminary,” saad niya. “We really need to get the recordings and videos to understand exactly what happened.”

Ayon kay Contreiras, nakita ng mga rescue workers sa limang biktima sa isang helicopter na kasama ng mga nasunog at nabagsakang mga electric car.

Nakita naman ang ikalawang helicopter sa layong 100 meters na may sakay na piloto, na hindi rin nakaligtas.

“Given the surrounding residences, the accident could have been far more tragic,” sabi ni Contreiras. — ulat mula sa Agence France Presse/FRJ GMA News