Isang rider ang nasawi matapos siyang mabangga at takbuhan ng isang pickup truck sa Barangay Isabang sa Tayabas, Quezon. Nangyari ang insidente nang bigla umanong mamatayan ng makina ang sasakyan ng biktima.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabi ng pulisya na biglang tumigil ang motorsiklo sa outer lane ng Maharlika highway nang mamatayan ito ng makina.

Pero habang sinusubukan ng rider na paandarin ang kaniyang motorsiklo, biglang dumating ang isang itim na pickup truck at nasalpok ang biktima.

Saglit na huminto ang pickup truck pero umalis din kalaunan patungo sa diresyon ng Sariaya.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.

Habang patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng pickup truck.—FRJ GMA News