Ilang lamang-dagat gaya ng mga isda ang namatay matapos umangat ang bahagi ng ilalim ng dagat sa baybayin ng Glan, Sarangani kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Soccsksargen, nakatanggap ang Sarangani Bay Protected Seascape Protected Area Management Office ng mga ulat noong Hunyo 10, dalawang araw matapos ang lindol, tungkol sa hindi pangkaraniwang pagbaba ng tubig-dagat sa Glan.
“The team from CENRO Glan, together with PAMO Protected Area Rangers, conducted a coastal survey and found that long stretches of shoreline, coral reef and seagrass beds had been exposed, particularly in the Pangyan Marine Sanctuary in Barangay Pangyan, Glan, Sarangani Province,” saad sa pahayag ng DENR Soccsksargen.
“These exposed corals and seagrass beds had begun dying, along with resident organisms such as reef fishes, eels, clams and shells. Nearby residents also expressed concern that the stench of decaying marine life could pose health risks,” dagdag nito.
Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at ng DENR Mines and Geosciences Bureau Region 12, na ang pag-angat ng baybaying bahagi sa Barangay Pangyan ay nagpataas sa ilalim ng dagat nang hanggang dalawang metro at nagpahaba sa baybayin nang humigit-kumulang 200 metro.
May kahalintulad ding pangyayari na naiulat sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Sinabi ng DENR Soccsksargen na bubuo sila ng isang grupo upang magsagawa ng siyentipikong pagsusuri sa pag-angat ng baybayin sa Glan sa Hunyo 16.—FRJ GMA News
