Laking dismaya ng pamilya ng isa sa dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na pinaslang umano ng kanilang amo sa Lebanon nang matuklasan nila na maling bangkay ang naipadala sa kanila. Inako naman ng Department of Migrant Workers (DMW) ang responsibilidad sa nangyari.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabing nabigla ang pamilya ni Rona Jean Gervoso sa Sibalom, Antique nang matuklasan nila na hindi ang bangkay ng kanilang kaanak ang dumating noong Biyernes. Sa halip, ang nadala sa kanila ay ang bangkay ng kapuwa niya pinaslang na OFW na si Honeylith Zamoras.
BASAHIN: 2 OFW, patay sa Lebanon matapos i-hostage ng kanilang employer
Ayon kay Fausto Gervoso Jr., asawa ni Rona, nagkaroon na siya pag-aalinlangan pero binalewala niya dahil nakasulat sa nakasaradong kabaong ang pangalang Rona Jean Gervoso.
Dagdag pa niya, nilagyan ng makeup ang mga labi pero hindi talaga iyon ang kaniyang asawa.
Kaagad umano siyang nakipag-ugnayan sa pamilya ni Zamoras, at nakumpirma na napagpalit nga ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Fausto, may pustiso ang asawa niya at napatunayan naman ito ng pamilya Zamoras.
Hindi maalis ni Fausto na madismaya nang labis dahil dalawang buwan nilang hinintay ang mga labi ng kaniyang asawa.
Bumisita na ang mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 6 sa pamilya ni Rona Jean at tiniyak na maibabalik sa kanila ang kaniyang mga labi mula sa Dipolog City sa lalong madaling panahon.
Hinala ni James Mendiola ng OWWA Region 6, maaaring nakaapekto ang kaguluhan sa Lebanon kaya nagkaroon ng pagkakamali sa mga labi.
Iniutos ng DMW sa mga labor attaché sa Beirut at sa Pilipinas na imbestigahan kung paano nangyari ang pagkakamali sa mga bangkay.
“Ito ay malubhang pagkakamali at I’m taking full responsibility. I’ve communicated with both families and assured them na isasagawa ito most likely either Wednesday or Thursday," sabi ni DMW Secretary Hans Cacdac.
"Hindi pa ito ready na maipadala diretso; babalik muna sa Manila ang human remains ng dalawa at doon sila muling ihahanda at properly shipped,” dagdag niya.
Ayon kay Cacdac, maaaring ang punerarya sa Beirut ang nagkaroon ng pagkakamali dahil nasaksihan naman umano ng mga pamilya ang pagkilala sa mga labi at ang pagsasara ng mga kabaong.
“Pero yung kahuli-hulihang stage ng pagbalot ng itim na plastik [sa bakaong], which is unusual, at paglagay ng sticker doon sa dalawang caskets, ‘yun ang hindi malinaw kung nasaksihan pa o kung ginawa agad bago dinala sa airport in Beirut,” anang kalihim.
Sinabi rin ng kalihim ng DMW na personal niyang bibisitahin ang mga pamilya nina Rona Jean at Honeylith upang humingi ng paumanhin.
Samantala, hindi pa naisusulong ang pagsasampa ng kaso laban sa responsable sa krimen, ngunit ayon sa DMW, may isang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad.— FRJ GMA News
