Isang 45-anyos na ina ang nasawi matapos siyang mabundol ng motorsiklo habang tumatawid sa hindi tamang tawiran sa Maynila. Ang biktima, pauwi na sana matapos maghatid ng anak sa eskuwelahan.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente Mel Lopez Boulevard sa Tondo, Manila nitong Lunes ng umaga.
Sa video footage, makikita na patakbong tumawid ang biktima na sakto namang pagdating ng motorsiklo na mabilis ang takbo. Sa lakad ng pagkakabangga sa ginang, tumilapon siya at nadamay ang ilang estudyante na naglalakad din sa gitna ng kalsada na may harang.
Dalawa ang isinugod sa ospital pero pinayagan din silang makalabas kalaunan. Pero ang babaeng nabundol ng motorsiklo, hindi na umabot nang buhay sa ospital dahil sa matinding pinsala na tinamo niya sa katawan at ulo.
Ayon sa pulisya, naghatid ng anak sa paaralan ang biktima at pauwi na nang maganap ang insidente.
Hindi rin umano tamang tawiran ang lugar na pinangyarihan ng insidente, at paliko pa kaya hindi rin kaagad makikita ng motorista ang tatawid.
Mayroong footbridge sa lugar na dapat na tawiran ng mga tao pero may kalayuan umano sa paaralan na pinanggalingan ng mga biktima kaya napipilitan silang tumawid sa hindi tamang tawiran.
Inaresto ang 26-anyos na rider na nakabangga sa babae na nagtamo rin ng pinsala sa katawan.
Tumanggi munang siyang magbigay ng pahayag.
Habang sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng nasawing biktima. – FRJ GMA News
