Apat katao ang nasawi at siyam na iba pa ang sugatan matapos araruhin ng isang delivery truck ang mga naglalamay sa patay na nasa gilid ng daan sa Pagbilao, Quezon.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Martes, inihayag ng pulisya na lumabas sa imbestigasyon na ang pahinante ang nagmamaneho ng truck nang mangyari ang insidente.

Pinakiusapan umano ng driver ang kasamahang pahinante na siya muna ang magmaneho dahil inaantok siya.

Pero nakaidlip din umano ang pahinante habang nagmamaneho hanggang sa masalpok nito ang mga naglalamay at isang puno.

Tumilapon ang ilang biktima at may mga naipit na pawang dinala sa ospital.

Nagkausap na umano ang pamunuan ng trucking company at mga kaanak ng mga biktima. – FRJ GMA News