Isang 14-anyos na Grade 8 student ang sugatan matapos siyang saksakin ng kapuwa mag-aaral sa Bacolod City. Ang insidente, nangyari sa labas ng paaralan.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nitong Lunes, at 12-anyos lang na Grade 7 student ang suspek.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng sugat sa tagiliran at kamay ang biktima.
Hindi naman natukoy kung ano ang ginamit na panaksak ng suspek sa biktima.
“Base sa investigation ng ating WCDP, parang may commotion na nangyari tapos natumba ang suspek. May napulot daw siya na parang pointed object,” ayon kay Police Lt. Wilson Aguilar, deputy chief ng Bacolod City Police Station 9.
Isinailalim ng mga awtoridad sa kanilang kustodiya ang suspek.
“Ini-establish pa natin ang motibo. Ang suspek daw, may mga grupo. Huwag na sana silang mag-join sa mga gang-gang,” ani Aguilar.
Noong June 22, 2026, tatlong estudyante ang nasawi at nasa 11 pa ang nasugatan sa ginawang pamamaril ng dalawang estudyante sa isang paaralan sa Tacloban City.
Sa sumunod na araw, isang Grade 9 student sa San Carlos City, Negros Occidental ang naospital din matapos saksakin ng isang Grade 10 student sa labas din ng isang paaralan. – FRJ GMA News
