May nakakatuwang kuwento si Moi Bien, dating kasambahay at personal assistant ni Piolo Pascual, nang makatulog siya sa unang araw ng trabaho niya sa pamilya ng aktor at nai-lock niya ang pinto. Kaya nang dumating ang aktor, naging tila “akyat-bahay” ito dahil sa bubungan dumaan para makapasok sa bahay.
“'Yung pang-first kong pasok, na-lock ko ang pinto. Hindi siya [Piolo] nakapasok. Kasi naglaba ako ng maraming, maraming, marami. Kasi siguro matagal na silang walang kasambahay,” pagbabahagi ni Moi sa kaniyang guesting sa “i-Listen with Kara David.”
Dahil dito, umakyat na lamang daw si Piolo sa bubong para makapasok sa bahay.
“Tapos nakatulog ako. Ako lang mag-isa sa bahay. Alam mo kung saan siya dumaan? Sa bubong. Inakyat niya 'yung bahay niya,” natatawang kuwento ni Moi.
“Na-lock ko 'yung bahay. Tapos tawag siya nang tawag. Hindi ko siya marinig. Kasi, ito 'yung gate, ito 'yung kuwarto (malayo) sa akin,” dagdag niya.
Wala rin daw susi ng bahay noon si Piolo.
“Wala, nag-akyat-bahay siya. ‘Yun 'yung first meet namin,” sabi ni Moi.
Sa kabila nito, hindi raw nagalit sa kaniya ang aktor.
“Kasi naiintindihan siguro niya na ang dami kong nilabhan. Sabi ko, ‘Sorry po (habang nakatingala dahil nasa bubong si Piolo). Sorry po, inantok ako, nakatulog ako, ang dami ko kasing nilaban eh,” kuwento pa niya.
Inalala rin ni Moi na nagtatrabaho noon ang kaniyang bayaw sa pamilya ni Piolo. Tiyempong nangailangan noon ang kapatid ni Piolo ng yaya para sa baby nito, kaya siya ang inirekomenda ng kaniyang bayaw.
Nagsisimula pa lamang noon si Piolo sa showbiz.
“Nag-aartista na rin yata siya that time, parang series series. Eh hindi ako masyadong aware sa mga arti-artista, hindi ako masyadong kinikilig sa mga artista. Si Robin (Padilla) lang ‘yung ano ko dati, tsaka si Joko Diaz,” pagbahagi pa niya.
Si Moi naman, hindi raw na-starstruck kay Piolo noon.
“First kita ko nga kay Papa P, hindi ako fan. Wala, dedma,” saad niya.
Sa pagpalipat-lipat ng tirahan ng pamilya ni Piolo, kasa-kasama nila si Moi. Hanggang sa lumaki na ang batang kaniyang inaalagaan.
Si Moi naman, umibig at nagkaroon ng anak.
“Tapos, nu'ng nasa Loyola na kami, 'yung PA niya, nagka-asawa ng AFAM. Pero before pa ako naging PA niya talaga, lumandi muna ako, kaya ako may anak. So, bago umalis 'yung PA niya, may baby na ako,” sabi ni Moi.
Sa kabila nito, hindi siya pinaalis ng aktor.
“Kasi honest ako, sinabi kong buntis ako, huwag kang magalit. Sabi niya, ‘Saan mo ba ginawa ‘yan, dito ba sa bahay?’ ‘Secret!’” kuwento ni Moi.
“Siguro hindi muna siya nagsalita ng ilang segundo. Sabi niya,’Okay lang ‘yan, blessing iyan. Sabi ko, ‘Ay, ang suwerte ko naman.’”
Napagtanto ni Moi na kung uuwi siya sa probinsya, walang tatay na mag-aalaga ng kaniyang anak.
Tiniyak naman ni Moi na makabawi rin siya sa kabutihang loob sa kaniya ni Piolo.
“Hindi niya ako pinauwi. Pero ginagawa ko 'yung trabaho ko, hindi ako 'yung pabaya na, ‘Ay, buntis ako, hindi ako magbubuhat.’ Wala akong pakialam, buhat ako nang buhat, dilig ako ng halaman, lampaso ako.”
“Nagtataka na lang siya, ‘Paano nalipat 'yung TV galing sa taas, sa ibaba?’ Eh, galing silang shoot eh. ‘Binuhat ko.’ Sabi niya sa akin, ‘Anong ginagawa mo sa buhay mo? Gusto mo ba malaglag 'yung bata?’ Eh bored ako eh, wala akong magawa eh,” dagdag pa ni Moi.
Para kay Moi, “Ito na 'yung kapalit ko ng kabutihan na ginawa niya sa akin, hindi nga ako pinauwi ‘di ba?”
Inilahad ni Moi ang kaniyang paghanga kay Piolo dahil sa magandang pagturing nito sa kaniya.
“Kasi po, nu'ng naging close na kami, parang, hindi niya kasi kami itinuring na, well, alam namin trabaho namin ‘to, kasambahay kami, driver 'yung mga kasama ko, ganiyan. Pero, hindi naman niya kasi kami tinuturing na iba eh,” sabi ni Moi.
Ayon pa sa kaniya, pamilya ang turing ni Piolo sa mga kasama nito sa bahay.
“Like, sabay-sabay kami kakain, magluluto ako, tapos ayaw niya na kakain kayo ng kaniya-kaniya. ‘Family tayo dito, kailangan sabay-sabay tayo kakain.’ … Pare-pareho kami lahat. Wala, pare-pareho ng baso, pare-pareho ng kutsara,” patuloy niya.
Matatandaang 16 taon na nagsilbi si Moi bilang personal assistant ni Piolo bago siya umalis sa pamamalagi ng aktor, at nakapasok na rin sa mundo ng showbiz. -- FRJ GMA News
