Patay na nang matagpuan ang isang 85-anyos na lola sa loob ng kaniyang bahay sa Mangaldan, Pangasinan matapos siyang pagpapaluin ng kahoy sa ulo. Hinala ng mga awtoridad, target ng salarin na kunin ang natanggap na cash gift ng biktima.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing natagpuan ng kaniyang sariling anak ang bangkay ng biktima sa kanilang bahay sa Barangay Poblacion nitong Sabado.
Hinihinalang pinatay ang biktima nitong Biyernes ng gabi sa pamamagitan ng pagpalo ng salarin gamit ang 2x2 na coco lumber. Mag-isa lang umano noon sa bahay ang biktima.
"Sa kaniyang nakita (anak ng biktima) ay visible ang mga contusion sa mukha. Immediately, ni-report ito sa mga barangay kagawad at sa amin," ayon kay Police Lt.Col. Perlito Tuayon, hepe ng Mangaldan Police Station.
Nakita ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng krimen ang putol na 2x2 na coco lumber na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.
May person of interest na umano ang pulisya sa kaso pero hindi sila nagbigay ng iba pang impormasyon.
Posible umanong puntirya ng salarin ang cash gift na natanggap ng biktima bilang senior citizen. Gayunman, hindi ito nakuha ng salarin dahil naibigay na umano ng biktima sa anak nito ang pera bago mangyari ang krimen.
Ayon sa isang kaanak ng biktima, may nakita siyang hindi niya kilalang tao na nakapuwesto malapit sa bahay ng biktima nang gabing mangyari ang krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at paghanap sa salarin.—FRJ GMA News
