Naglabas ng pahayag si Derek Ramsay tungkol sa pagkakadwit ng kaniyang pangalan sa ginagawang imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng isang supercar na nakitang gumagamit umano ng pekeng plaka o plate number.

Sa kaniyang Instagram Story na iniulat din sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabi ng aktor na alam niya ang isyu at nilinaw niyang hindi siya nagmamaneho ng anumang sasakyang may pekeng plaka.

"All my vehicles have proper plates," saad ng aktor. "Please carefully read the statement issued by LTO to properly understand what is happening."

Sinabi rin ni Derek na hindi pa niya natatanggap ang show-cause order mula sa LTO, kasabay ng pagtiyak niya na makikipagtulungan siya sa mga awtoridad kung kinakailangan.

"I will cooperate and appear when requested," dagdag ni Derek

"To the LTO, I apologize for what is going on," patuloy niya. "Driving with fake plates is wrong and should not be tolerated."

Batay sa mga unang natuklasan ng LTO, lumilitaw na ibinenta na ni Derek ang sasakyan sa isang negosyante.

Gayunpaman, hindi pa naililipat sa pangalan ng bumili ang rehistro ng sasakyan kaya nakatala pa rin sa pangalan ng aktor ang rehistrado nito batay sa mga record ng ahensya.

Dahil nananatiling nakarehistro kay Derek ang sasakyan, kabilang ang aktor sa mga taong kinakailangang humarap sa LTO sa Agosto 24 upang magpaliwanag sa naturang usapin. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News