Labis ang pasasalamat ni Iya Villania dahil sa pagiging mabuting ama ng kaniyang mister na si Drew Arellano sa kanilang anak na si Primo.

 


Sa artikulong isinulat ni Kaye Koo sa PEP.ph nitong Martes, ikinuwento ni Iya kung papaano sila nagtutulungan ni Drew para magkatuwang na mapalaki ang kanilang unang anak.

"It's just fun at home, siya yung makulit na dad, ayaw niyang na-i-stress si Primo," ani Iya.

"Siya yung, kapag pagod ako and hindi ko na kaya ipatahan si Primo, si Drew na bahala, isasayaw niya, literal na sayaw," patuloy ng TV host.

ALAMIN: Si Drew o si Iya: Sino ang unang nagpatawa kay Baby Primo?

Sa pagdating ni Primo, sinabi ni Iya na malaki na ang ipinagbago ng kaniyang buhay bilang isang ina.

"Being a mom just changed everything. Time, it's all about Primo now," dagdag pa niya.

Ikinuwento rin niya na ang unang dalawang linggo ng pagiging ina ang pinakamahirap dahil sa kakulangan niya ng tulog sa pag-aalaga kay Primo.

Tumagal din daw ng halos dalawang buwan bago sila nakagawa ni Drew ng routine sa pag-aalaga sa kanilang anak.

At pagkaraan ng pitong buwan makaraang magsilang, ipinagmamalaki ni Iya na mas naging maunawain na siya at pasensyosa.

"That has taught me a lot in terms of development, just dealing with him because he can't really communicate his needs. I just have to kinda understand him, and it's all kinda new to me and for anyone," paliwanag ng Kapuso host.

Nagpapasalamat si Iya na sa tulong ni Drew sa pag-aalaga kay Primo dahil mas naging magaang ang kaniyang pagiging ina. -- FRJ, GMA News