Matapos dakpin dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga, suspek na rin ngayon sa karumal-dumal na pagpatay ang katiwala ng pinaslang na vice president ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing unang dinakip ang 29-anyos na si Glen Palasan, nang makita ng mga nagpapatrolyang pulis na may itinapon na platik habang naglalakad sa Concepcion Uno, Marikina nitong Miyerkules ng hapon.
Nang suriin ang itinapon na bagay ni Palasan, nakita umano ng mga awtoridad na mayroon itong hinihinalang iligal na droga kaya siya dinakip at ikinulong.
Napag-alaman din ng mga awtoridad sa pagsisiyasat sa pagkatao ni Palasan na isa umano itong "drug personality" sa kaniyang bayan sa Surigao.
Kasunod nito, itinuring na rin siyang suspek sa pagpatay sa kaniyang amo na si Prof. Alfredo Dimaano, na pinaslang sa loob ng kanilang bahay sa Marikina noong Marso 14.
BASAHIN: VP ng pamantasan sa Marikina, brutal na pinatay sa kaniyang bahay
Bukod sa nakitang tilamsik ng dugo sa kaniyang damit nang araw na makita ang bangkay ng biktima, lumitaw umano sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na may mga hindi magkakatugmang pahayag si Palasan sa kaniyang testimonya sa nangyaring krimen.
Kabilang umano dito ang sinabi ni Palasan na hindi niya narinig ang kalabog sa kuwarto ni Dimaano nang paslangin ito habang ang ilang kapitbahay nila ay nagsabing may narinig silang ingay.
Hindi rin naniniwala ang mga pulis na mag-isang magagawa ng lumilitaw na suspek na nakunan sa CCTV ang krimen dahil mas maliit umano ito kumpara sa biktima.
Mariin namang itinanggi ni Palasan ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Sa naunang panayam kay Palasan, inilarawan nito ang umano'y suspek sa pagpatay sa kaniyang amo nang dumating sa kanilang bahay. -- FRJ, GMA News
