Patay ang isa umanong holdaper, habang nahuli ang dalawa niyang kasama matapos kumasa ang nakasibilyang pulis na pasahero sa hinoldap nilang bus sa Quezon City.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang video na kuha ng pasaherong si Marvin Diano, kung saan makikita ang umano'y holdaper na nakabulagta sa gitna ng bus, habang ang iba naman ay tahimik na nakaupo at nagmamasid.
Ayon kay Diano, sinabihan sila ng pulis na kapwa nila pasahero na si PO2 Joselito Lantano, na manatili munang nakaupo dahil sa posibilidad na may kasama pa ang napatay na holdaper.
Biyaheng Sta Maria, Bulacan ang bus at nagdeklara umano ng holdap ang mga salarin pagsapit sa Quezon Avenue Flyover sa Quezon City.
Pauwi na at sakay ng bus si Lantano na mabilis na kumilos at binaril ang kalapit na armadong holdaper.
Naaresto ang dalawa pang kasama umano ng napatay na holdaper na sina Mark Lee Mahinay, isa raw security guard, at James Medrano, na isa raw construction worker.
Kapwa nila itinanggi na mga holdaper sila pero wala silang naipakitang ID, katulad ng napatay na suspek.
May nakuha rin umano sa kanilang isang kalibre .38 na baril at balisong.
Isang baril na kalibre .38 rin ang nakuha sa napatay na suspek. -- FRJ, GMA News
