Natagpuang patay sa magkahiwalay na lugar ang mag-live-in partner na unang dinakip ng mga nagpakilala umanong mga pulis sa kanilang tahanan sa Navotas, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa "24 Oras."
Sa naturang ulat nitong Miyerkules, sinabing nakita ang babae na si Jenny Royo sa Barangay North Bay, Boulevard South sa Navotas, habang natagpuan ang bangkay ni Rogelio Gilbuena sa Navotas Public Cemetery.
Nakapiring ang mata at may tama ng baril sa ulo si Gilbuena, habang may tama naman ng bala ng baril sa katawan at mukha si Royo.
Sabi ni Mary Joy Royo, anak ng mga biktima, nagpakilalang pulis ang mga salarin na armado at nakamaskara. Sapilitan umanong kinuha ang mga biktima sa kanilang tahanan bandang alas-nuebe ng gabi noong Martes.
"Andami po siguro, mga 10, tapos po dalawa-dalawa po yung angkas nila. Sabi po nila pulis, sumunod na lang kami sa police station," sabi ni Mary Joy. "Sinundan na po namin sila tapos ang bilis po nila, hiniwalay po nila yung tatay ko at mama ko."
Ayon sa isang opisyal ng barangay, may ilang residente na na nakarinig ng putok ng baril.
"Nakarinig sila ng putok, pero meron silang nakita na pumasok na nakamotor dito, isa lang, kipit-kipit sa gitna 'yan," kwento ni Martin Villacruz, executive officer ng Brgy. San Jose.
Inamin ng kamag-anak ng mga biktima na gumamit noon ng shabu si Royo ngunit tumigil at sumuko ito sa Oplan Tokhang. Pero hindi naman umano gumagamit ng droga si Gilbuena.
Walang nakitang droga ang mga pulis sa dalawa at inaalam pa ang dahilan ng pagpatay sa kanila.
Sa isang text message, sinabi ni Navotas police chief Sr. Superintendent Dante Rodico, na hindi pulis ang mga dumukot sa mga biktima at puwedeng magpakilala lang daw na mga awtoridad ang mga salarin para iligaw ang imbestigasyon. —Rie Takumi/NB/FRJ, GMA News
