Kinumpirma ni Agriculture Secretary Manny Piñol nitong Biyernes ng umaga na dalawang poultry farms sa lalawigan ng Nueva Ecija ang apektado ng bird flu virus, isang linggo matapos niyang ianunsyo ang outbreak sa Pampanga.
Apektado aniya ang dalawang farms sa mga bayan ng Jaen at San Isidro.
Noong nakaraang linggo, kinumpirma ni Piñol na may bird flu outbreak sa Barangay San Agustin, San Luis, Pampanga.
"Ito pong official confirmation is a result of a series of laboratory tests conducted following the receipt of earlier reports from the farmers themselves and the officials of Nueva Ecija," pahayag ni Piñol.
Aniya, na-contain na ang virus at nakapagdeklara na rin ng 1-kilometer quarantine radius sa Jaen at San Isidro.
"Dalawa pong farms ang ground zero dito. Ang isang farm ay quail farm at ayon sa initial report na natanggap ko, ubos na 'yung pugo sa farm na 'yon. But na-contain na natin 'yung area, nag-declare na tayo ng 1-kilometer contained radius. And then the other town is San Isidro, isang layer farm na ang total population is about 20,000 ... and ang ating mga tao ay nakapag-setup na rin po," pahayag ni Piñol.
Dagdag niya, ang virus na umatake sa Nueva Ecija ay kapareho ng umatake sa mga manukan sa Pampanga—Type A subtype H5.
Maaari umanong may infected na itik o manok na nadala sa Nueva Ecija mula sa Pampanga, ayon kay Piñol.
"Ibig sabihin, two weeks ahead of the report sa San Luis, Pampanga, meron na sigurong itik or manok or whatever na nadala from the ground zero of San Luis to other parts of Nueva Ecija, kaya ngayon lang nagmanifest after 21 days."
Giit niya, halat ng fowls (manok o itik o pugo) sa loob ng 1-kilometer radius sa mga apektadong farms ay papatayin at yaong nakapaloob sa 7-kilometer radius ay pagbabawalang ilabas ng probinsya.
Dahil sa panibagong kaso, ayon kay Piñol, mauurong na naman ang 21-araw na quarantine period para sa Luzon.
"Dapat next week or two weeks from now mali-lift na natin yung Luzon ban, pero with this latest development magbibilang na naman tayo ng another 21 days."
Pero, aniya, madali nang i-control ang sitwasyon sa Nueva Ecija dahil may mga quarantine stations nang natukoy.
"Actually right after we received the report even before the confirmation ay nag-set up na tayo ng quarantine stations so madali po nating matapos itong problema sa Jaen at San Isidro," dagdag niya.
Samantala, kailangan pa ring dumaan sa "confirmatory tests" ang mga kaso sa Nueva Ecija, ayon kay Provincial Administrator Alejandro Abesamis.
Sa panayam sa dzBB nitong Biyernes, sinabi niyang susuriin pang mabuti ang mga sample na nakuha sa layer poultry farm sa Barangay San Roque sa bayan ng San Isidro.
Pahayag ni Abesamis, 50 na kaso ng pagkamatay ang naitala sa 28,000 na populasyon ng fowl sa naturang farm. Ang ganitong "mortality rate" ay maituturing na umanong "bird flu risk."
May naiulat na rin umanong posibleng kaso ng avian flu sa bayan ng Aliaga, ngunit sa pagsusuri sa laboratoryo, hindi pa nakikitaan ng sinyales na may bird flu na sa nasabing bayan.
Gayunman, ginagawa pa rin ng lalawigan ang ibayong pag-iingat.
"May restriction po kami. 'Yung transport po ng poultry product kailangan sufficiently documented. May checkpoints kami na dapat meron [maipakita] siyang permit like veterinary sa paglabas at pagpasok," pahayag ni Abesamis. —LBG, GMA News
