Bunsod ng kaliwa't kanan na pagtaas ng mga produkto at ng langis, napilitan umano ang ilang bakery sa Quezon City na dumeskarte upang makasabay —mas maliit na pandesal sa nakasanayang halaga.

Sa ulat ng Unang Balita, sinabing lumiit ng 20 porsyento ang laki ng pandesal sa ilang panaderya.

Nilinaw ng mga may-ari na tumaas na ang presyo ng mga sangkap sa paggawa ng pandesal at ayaw naman nilang magtaas ng presyo, kaya sa laki nalang ng tinapay sila dumeskarte.

Ayon sa isang kustomer, napansin niyang lumiit ang pandesal na araw-araw niyang binibili para pang-almusal.

Ngunit, ayon sa mga kustomer, ganon din ang nangyayari, tataas din ang kanilang budget sa pandesal na laman ng kanilang hapag-kainan tuwing umaga.

Pahayag ng isang kustomer, ang dating binibili niyang P20 sapat nang pang almusal. Pero sa kasalukuyang laki nito, kinakailangan na niyang bumili ng P30 upang magkasya sa pamilya. —LBG, GMA News