Arestado ang isang construction worker matapos siyang manghabol ng saksak sa isang pamilya at i-hostage ang kanilang anak sa Camarin, Caloocan City, dahil umano sa pagiging homesick niya.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita, nangyari ang insidente nitong Miyerkoles, pasado 7 p.m., sa Barangay 172.
Isinalaysay ng ama ng biktima na si Rey Abobo na sinugod ng suspek na si Jimmy Oñido ang kanilang karinderya na bahay na rin nila at kumuha ng kutsilyo.
Hinabol daw ng suspek ang mag-anak hanggang sa makarating sila sa ikalawang palapag.
"Sumunod sa amin, nahabol kami. Ngayon, wala kaming armas doon sa itaas, ang ginawa namin, naghiwa-hiwalay. Kaso lang 'yung isang pintuan doon naka-lock tsaka 'yung dito walang pinto so open. Pagpasok niya, 'yung anak ko nakuha eh," ani Rey.
Dinala umano ng suspek ang biktimang si Aileen Abobo sa loob ng banyo at tinutukan ng kutsilyo. Dito na tumawag ng pulis ang pamilya.
"So 'yung space sir, 'yun din 'yung naging hindrance natin. 'Yung space is saktong-sakto lang talaga 'yung isang tao. 'Yung position nila is 'yung suspect nakadikit sa dingding, hawak niya 'yung biktima, paganito 'yung hawak ng kutsilyo, nakatutok dito sa leeg," ani Chief Inspector Dave Caporcos, station commander ng Police Community Precinct 6.
Kumalma lang daw si Oñido nang dumating ang kapatid niyang taga-Novaliches para kausapin siya.
"Medyo nag-relax siya. Dahan-dahang lumalapit 'yung negotiator natin then 'yung kapatid. Tapos kinuha na po natin 'yung kutsilyo,"ani Caporcos.
Sinabi pa ng mga awtoridad na wala silang ibang motibo na makita sa ngayon.
Hinang-hina naman at walang tigil sa pag-iyak si Aileen nang masagip siya ng mga awtoridad mula sa kaniyang hostage taker.
Posibleng talagang naapaketuhan si Oñido ng kaniyang problema sa pamilya. Bukod dito, bagong salta lang siya sa Maynila mula Bicol.
"Homesick lang. Gusto ko lang po kasing umuwi na sa amin," ani Oñido.
Ayon pa kay Oñido, wala talaga siyang balak saktan ang biktima.
Hindi naniwala rito ang pamilya Abobo.
"Kasi 'yung purpose niya parang papatay ng tao eh. Parang naka-drugs yata 'yan eh. Galit atsaka 'yung, hindi ko maisip eh, kasi magkahalong takot at saka galit eh," sabi ni Rey.
Hindi pa makausap ang biktima nang dahil sa trauma, bagama't hindi siya nagtamo ng sugat.
Desidido ang pamilya Abobo na sampahan si Oñido ng serious illegal detention, illegal possession of bladed weapon at alarm and scandal.
Sasailalim din ang suspek sa drug test. —Jamil Santos/KBK, GMA News
