Pinaghahanap ngayon ang isang lalaking nagpakilala bilang pulis bago niya sinaktan at tinututukan pa umano ng baril ang isang lalaki sa Tondo, Maynila noong Huwebes.
Sa ulat ni Vonne Aquino nitong Sabado sa "24 Oras: Weekend," makikitang sariwa pa ang sugat at namamaga pa ang mata ng biktima na si Rolando Onagan Jr. nang dumulog siya sa Manila Police District (MPD) Station 1.
Kuwento ng biktima, pauwi na raw siya nang makasalubong niya ang suspek na kinilala bilang si Rockler Trajano.
"Tinanong niya ko kung kilala ko daw siya. Siyempre, lilingon ako sa kanya. Paglingon ko sa kanya, sabi ko, 'Hindi po'. Sabay may binunot siya at may pinalo sa mukha ko," sabi ni Onagan.
"Tas pagpalo niya, bumagsak po ako. Tas pagtingin ko sa kanya, nakatutok na po s'yung baril. Tas pinalo siya. Tas sabi niya, bago ako paluin, 'Pulis ako.' Pinalo niya 'ko sa likod," dagdag nito.
Tumakbo si Onagan at humingi ng tulong nang ikasa na umano ng suspek ang kanyang baril, subalit wala na raw si Trajano nang dumating ang mga opisyal.
Ayon sa kapatid ng biktima: "'Yung chairman nila. In-identify, pinuntahan namin sa bahay. Pagdating ho sa bahay, sabi ng asawa, 'wala ho dito eh',"
Ayon naman kay Senior Inspector Dave Abarra ng Tondo police, wala raw silang record ng pulis na nangangalang Rockler Trajano.
Paliwanag ng opisyal: "Nung tsinek natin sa record natin dito sa Station 1, wala tayong personnel na nakapangalan sa Mr. Rockler Trajano,"
Pinaghahanap ang suspek na nahaharap sa reklamong frustrated homicide. — Margaret Claire Layug/DVM, GMA News
