Maaaring ipalit ang isang kilong plastic sa isang kilong bigas sa Barangay Talon sa Amadeo, Cavite, ayon sa ulat ni Rida Reyes sa "Quick Response Team."
Ang kampanyang ito ay pinangunahan ng Sangguniang Kabataan ng nasabing barangay.
Malaking kabawasan daw ito sa basura na kada linggong naiipon sa kanilang barangay. Ikinatuwa ng mga residente ang kampanya, lalo pa raw ngayong hindi pa rin naman tuluyang bumababa ang presyo ng bigas.
“Yung mga basura po ng anak ko sa school yung pinagkainan po ng sisitsirya, ng sabon, iniipon ko po. Then napakalaking tulong po sa akin talaga kasi hindi na po kailangan ng pera sa mahal ng bigas,” sabi ng residenteng si Lita Diokno.
Kumukonsumo kada linggo ng mahigit tatlong kilong bigas ang pamilya ni Lita. Malaki raw ang kanyang natitipid sa simpleng pagse-segregate lang ng mga plastic na basura.
Ang mga naipong plastic, ishe-shred o gugupitin nang maliliit at ilalagay sa mga recycled plastic bottles para maging eco-bricks.
“Nilalagay po yun sa loob ng plastic bottle. Tapos, yun po yung pwede nating gawing upuan, lamesa, pwede din po na ipasok sa unan kapalit ng mga foam,” sabi ng SK Chairman na si John Dexter Batino.
Aminado ang bayan ng Amadeo na ang mga basurang nagmumula sa mga probinsya ng Cavite at Laguna, bumabagsak sa mga lagusan ng tubig.
Halos 60% daw ng mga nakokolektang basura ng bayan ay mga plastic at iba pang hindi nabubulok na basura. — Joviland Rita/ LDF, GMA News
