Arestado ang isang magbabalut sa Mandaluyong matapos manaksak ng kapwa tindero nitong Huwebes ng madaling araw.
Ayon sa pulisya, bago ang krimen ay nagtalo umano ang 56-anyos na suspek na si Gregorio Albutra at ang 51-anyos na biktimang si Rustom Telig dahil sa makalat nilang pwesto ng tindahan sa Shaw Boulevard.
Matapos ang away, umuwi umano si Albutra at lasing nang bumalik sa pinagtitindahang lugar.
Gamit ang dalang kutsilyo, inundayan niya ng saksak sa tiyan ang nakasagutang kapwa-tindero.
Agad namang nakaresponde sa insidente ang mga pulis matapos humingi ng tulong ang isang saksi.
Nahuli si Albutra at mahaharap sa kasong frustrated murder.
Naisugod naman sa ospital at nasa maayos na kalagayan na ang biktima. —LDF, GMA News
