Hinangaan at nakaantig ng damdamin ng maraming netizen ang ginawang pagbibigay-pugay ng isang abogada na U.P law graduate sa isang magtataho na hindi niya kadugo pero naging bahagi ng kaniyang buhay habang nag-aaral siya.


Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nag-viral kamakailan ang social media post ni Atty. Alex Castro kung saan pinasalamatan niya ang magtataho na si Dingdong Corpuz, na tinawag niyang Tatay Dong.

Kuwento ni Castro, first year pa lang siya noon nang magkakilala sila ng magtatahong si Tatay Dong.

Nang malaman umano ng matanda pumapasok siya nang walang laman kaniyang tiyan, araw-araw na raw nagtatabi si Tatay Dong ng isang baso ng taho para sa kaniya hanggang sa makapagtapos siya sa pag-aaral.

"When I found him... ewan ko parang naging kampante rin talaga 'yung loob ko sa kanya," saad ni Castro. "And it kinda felt like he was that person i was looking for na since I was a kid. Sobrang ano talaga, nakakabuo. I guess sa pakiramdam."

Ikinuwento rin niya na isang araw noong December 2009 habang umuulan, wala siyang dalang jacket at ibinigay sa kaniya Tatay Dong ang kaisa-isa nitong jacket.

Batid daw ni Castro na malaking bahagi ang kaniyang tinatawag na Tatay Dong sa kaniyang karanasan niya sa U.P. kaya nag-uumapaw ang pasasalamat niya rito.

At nang muli silang magkita matapos ang ilang taon, buong pagmamalaking sinabi ni Castro kay Tatay Dong na, "'Tay, may abogado ka na."

"I recognize how great of a man he was kasi he really supported me in my four years of college and even four years of law school after that," saad niya.

Napag-alaman na tatlong dekada nang pagbebenta ng taho sa U.P. si Tatay Dong at dito niya kinukuha ang pangtustos niya sa kaniyang pamilya.

"Super super na proud po talaga. Saka isa pa, nagpapasalamat din po ako sa kaniya kasi 'pag  tinatawag niya akong tatay eh, maligaya na ako eh," sabi ni Tatay Dong.-- FRJ, GMA New