Arestado dahil sa pagkasangkot umano sa ilegal na droga ang anak ng isang barangay captain sa Tondo, Maynila nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Balitanghali, kabilang daw sa drug watch list ng barangay at ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang target ng operasyon na si Benedicto Cortez, gayundin ang kanyang ama na si Ricardo Cortez na kabilang din daw sa narco-list.

Sa bisa ng isang search warrant, pinasok ng drug enforcement unit ng NCRPO ang isang lugar ng Tondo kung saan nila inabutan si Ricardo sa kanyang tirahan. Tila lango raw ito at wala sa sarili.

Narekober ng mga oepratiba ang ilang sachet na naglalaman ng aabot sa 5 gramo ng shabu at tinatayang nasa P340,000 ang halaga. May narekober din daw sa lugar na drug paraphernalia, shotgun at mga bala.

Ayon kay NCRPO chief Major General Guillermo Eleazar, patunay daw ang mga ito sa pagkakasangkot ng mag-ama sa ilegal na droga.

Nambabagsak daw umano ang nakababatang Cortez ng droga sa kanilang lugar at iba pang kalapit na lugar. Nahaharap siya ngayon sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Ang depensa ng suspek sa report, hindi raw siya nagbebenta kundi gumagamit lang. Itinanggi naman niya na nakuha sa kanya ang mga droga at ang baril. Iginiit din niya na hindi daw alam ng kanyang ama ang kanyang gawain.