Tila normal na para sa mga motorista na dumadaan sa Marilao, Bulacan ang agarang pagbaha sa MacArthur Highway lalo kapag umuulan. Ngunit mas lumalala pa raw ito, dahil sa loob lamang ng dalawang oras ay umaabot na agad hanggang hita ang baha.
Kung gaano kabilis tumaas ang baha sa tuwing umuulan sa tapat ng isang mall sa MacArthur Highway, ganoon din kabagal ang paghupa nito sa pagtigil ng ulan, ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Sabado.
Pasakit ito para sa mga motorista, lalo na sa may mga maliliit na sasakyan, na kinakailangan pang makipagsapalaran para makatawid sa tubig.
Maging ang mga batang nakatira sa lugar, sanay na sa sitwasyon.
Ginawa nila itong oportunidad para may pagkakitaan kahit kaunting barya, na pumupunta sa highway para abangan at itulak ang mga tumitirik na sasakyan.
"Nagtutulak [para] magkapera. Minsan P20," sabi ng isang batang lalaki.
"'Pag may tumitirik po kami na kusang nagpapatulak," kuwento ng isa pang batang lalaki.
Ganoon din ang mga nag-aayos ng mga tumitirik na motorsiklo.
"Mahina po kita eh 'pag walang baha. Nasa P200 lang po, P300, P1,000," saad ng isang nag-aayos ng motorsiklo.
"Nagpapabayad po kami, konsiderasyon lang," ayon naman sa isa pang nag-aayos ng motorsiklo.
Ngunit ang iba pang motorista, wala nang pagpipilian kundi ang lumusong na lang sa tubig.
Ang iba nama'y nakikisakay sa matataas na sasakyan para makarating sa kanilang pupuntahan.
Sa tuwing baha, tigil muna panamantala sa negosyo ang mga establisimientong nasa tapat ng binabahang kalsada
"Mga two hours lang malaki na tubig dito. Bale dalawang oras umulan kanina," sabi ni Alfredo Alcanar, isang traffic enforcer.
Nakaranas din ng baha ang ilan pang bahagi ng Metro Manila tulad sa isang bahagi ng Tandang Sora at gutter-deep sa Culiat na ikinabagal ng daloy ng mga sasakyan.
Nakuhanan sa isang time lapse video ang lakas ng ulan sa bahagi ng Ortigas Center sa Pasig. — Jamil Santos/MDM, GMA News
