Kung siya ang papipiliin, mas gusto pa rin ni Miguel Tanfelix na kausapin nang personal ang babae pagdating sa panunuyo. Katunayan, hate niya raw ang mag-DM at mag-text.

 

"Talk to her personally. Ako hate ko 'yung texts, 'yung mga DMs kasi namimis-interpret eh. 'Pag personal kayo nag-uusap, mas naiintindihan niyo 'yung isa't isa," sabi ni Miguel sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes.

At dahil mahilig sumayaw, mas gusto ni Miguel na alukin ng slow dance ang babae kaysa mangharana.

"Siyempre alam niyo na 'yung sagot, slow dance. Puwede naman akong mag-aral magharana, magko-compose pa ng kanta, pero sa ngayon, sweet dance muna, mag-aaral muna akong kumanta," anang Sahaya actor.

Para kay Miguel, mahalaga ring matupad muna ang mga pangarap niya sa buhay bago siya magmahal nang buo sa isang babae.

"Dreams or true love? Siguro depende kung nasaan ako sa buhay. Feeling ko hindi ako makakapagmahal nang buong-buo kung hindi ko muna naa-achieve lahat ng gusto ko sa buhay. Gusto ko 'pag binigay ko 'yung pagmamahal ko, buong-buo ko rin ibibigay 'yung sarili ko."

Nananatiling Kapuso si Miguel nang mag-renew siya ng kontrata sa GMA Network kamakailan.

Mapapanood si Miguel bilang si Ahmad sa Sahaya. —Jamil Santos/LBG, GMA News