Kabilang ang dating aktres na si Deborah Sun sa apat na naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Quezon City nitong Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, mariing itinanggi ni Deborah na gumagamit o nagbebenta siya ng droga.
Giit niya, nadamay lang sila ng kaniyang anak na si Angela na kasama rin sa mga naaresto, kabilang ang nobyo nitong si Gerald de Guzman, at isang Gonzalo Gonzales.
Maliban kay Deborah, tumangging magbigay ng pahayag ang tatlo.
Paliwanag ng dating aktres, posibleng nakita lang ng mga pulis ang palitan ng text messages ng kaniyang anak at boyfriend nito na si De Guzman.
"Nagkatawagan itong boyfriend ng anak ko. Text nang text, text nang text. So yung text, naano ngayon ng pulis, nagte-text yung girlfriend. Inano ngayon, pinuwersa tuloy magpunta sa bahay," ayon kay Deborah.
Sinabi ng aktres na handa niyang patunayang hindi siya gumagamit o nagbebenta ng droga, at magpapa-drug test siya sa private kapag nakalabas siya para matunayan hindi siya nagdo-droga.
Sumikat si Deborah noong dekada 80's, at kabilang sa mga pelikulang ginawa niya ang sexy film na "Temptation Island."
Na-inquest na umano ang apat sa reklamong paglabag sa Dangerous Drugs Act. --FRJ, GMA News
