Kung may mga hikahos na mag-aaral na uling ang panulat sa klase dahil walang pambili ng lapis o ballpen, ang isang mag-aaral sa Surigao del Sur, walang pambili ng notebook kaya dahon ng saging ang ginagawang papel.
WATCH: Mga estudyanteng bakwit na walang lapis o ballpen, uling ang gamit na panulat sa pag-aaral
Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkules, sinabing maraming netizens ang naantig ang damdamin nang makita ang post ng isang guro na makikita ang isa niyang estudyante na nagsusulat sa dahon ng saging.
Ayon sa guro na si Arilyn Azarcon, parang dinurog daw ang puso niya nang makita niya na sa dahon ng saging ginagawa ng kaniyang estudyante na si Erlande Monter ang kanilang seatwork sa math.
Ito na rin daw ang ipina-check sa kaniya ng estudyante.
Pinasyalan daw ng guro ang bahay ng bata, at doon niya nakita na talagang kapos sa buhay ang pamilya ng mag-aaral.
Bumuhos naman ang tulong para kay Erlande nang mag-viral ang kaniyang post.
Mensahe ng guro sa ibang estudyante, lalo na sa mga may kakayanang bumili ng gamit, mag-aral nang mabuti dahil may mga batang kapos pero sinisikap pa ring makapagtapos ng pag-aaral. --FRJ, GMA News
