Pinangunahan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang pag-alis ng mga barbed wire na nagsilbing bakod ng tatlong kompanya na nagka-quarry umano sa lalawigan ng Rizal na malapit sa sikat na Masungi Georeserve.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, kasama ni Cimatu sa pag-alis ng mga barbed wire na ikinabit sa mga punong kahoy sa loob ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape si Undersecretary Benny Antiporda at mga miyembro ng Philippine Army.
Aabot umano sa 2,700 hektarya ang kabuuan ng naturang protected area na hindi malaman ni Cimatu kung papaano naging tila pagma-may-ari ng mga kompanyang nagka-quarry.
Ayon kay Ann Dumaliang, project manager ng Masungi Georeserve Foundation na nagbabantay sa lugar, mistulang binabakuran na umano at inaangkin ng mga quarry operator ang lugar .
Nais malaman ni Cimatu kung paano nabigyan ng permit para mag-quarry ang mga kompanya sa isang protected area.
Batay umano sa Provincial Environment and Natural Resources Office ng Rizal, tatlong kumpanya ang may MPSA o mineral production sharing agreement dito mula pa noong 1998.
"It is a protected area and this is also a watershed dapat wala...any mining company, mineral man o hindi mineral eh hindi puwede," anang kalihim.
Ipatatawag ng DENR ang tatlong kumpanya para magpaliwanag at pag-aaralan din kung dapat bawiin ang kanilang permit at ipasara ang quarry operations sa lugar.-- FRJ, GMA News
