Inilabas ng alkalde ng Datu Piang sa Maguindao ang CCTV footage sa nangyaring pagsugod ng mga armadong lalaki sa kanilang compound na nauwi sa putukan. Dalawa sa mga suspek, naaresto at sugatan.
Sa ulat ni Sarah Hilomen-Velasco sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes ng gabi malapit sa bahay ni Datu Piang Mayor Victor Samama.
Sa video, makikita noong una na may mga bata pang naglalaro sa kalsada. Hindi nagtagal, dumating na ang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo.
Maya-maya lang ay nagkaroon na ng palitan ng mga putok ng mga baril.
Natigil lang ang engkuwentro nang dumating ang mga tangke ng mga sundalo at mga pulis.
Ayon sa alkalde, gumanti sila ng putok nang sumugod ang mga armadong lalaki. Isang tauhan umano ni Samama ang nasugatan.
Dalawang suspek naman ang nasugatan din sa engkuwentro at naaresto.
Nagpapagaling sila sa ospital.
Ang naturang grupo rin umano ang sinasabing nasa likod ng pagpapasabog ng M79 grenade rifle na muntik tumama sa compound ng alkalde bago ang bagong taon.
Hinihinala ng alkalde na posibleng may koneksyon sa pulitika ang insidente dahil malapit na ang halalan.
Pero naniniwala ang militar posibleng "rido" ang dahilan ng pag-atake.
Napag-alaman naman ng pulisya na isa sa dalawang naarestong suspek ang sangkot din sa nangyaring pagsalakay sa Dati Piang noong Disyembre 2020.
Nang bisitahin ng alkalde ang suspek sa ospital, humingi ito ng patawag kay Samama pero sinabi ng lokal na opisyal na kailangan nitong panagutan sa batas ang kaniyang ginawa.
--FRJ, GMA News
