Limang katao ang sugatan matapos mag-counterflow umano ang isang SUV at sumalpok sa isang jeep sa Malolos, Bulacan.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang pagliyab ng dalawang sasakyan matapos ang banggaan, at wasak din ang harapan ng mga ito.
Kritikal ang dalawa sa mga biktima kabilang ang driver ng SUV, at isang pasahero ng jeep.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, biglang nag-counterflow umano ang SUV kaya sumalpok ito sa jeep, na kasalubong naman niya sa linya.
Isinugod na sa ospital ang mga biktima.
Rumesponde naman ang Bureau of Fire Protection at inapula ang sunog. — Jamil Santos/VBL, GMA News
