Sa kulungan ang bagsak ng tatlong katao dahil sa pagre-repack umano ng shabu sa kwarto ng isang hotel sa Las Piñas City. Ang isang kasabwat, naaktuhan pang bumabatak.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing isinagawa ng pulisya ang buy-bust operation Lunes ng gabi, kung saan nakipagtransaksiyon muna sila sa isa sa mga salarin sa parking lot ng mismong hotel.
Sumalakay ang mga operatiba nang makumpirma na ang kanilang mga target.
Kinilala ang mga suspek na sina Jayson Domingo at Anjeanette Valle, habang naaktuhang bumabatak sa kwarto ang kasabwat nilang si Jessie Matt Valles.
Sinabi ng pangunahing suspek na si Domingo na isang taga-Netherlands ang pinagkukunan niya ng mga item.
Napilitan lang umano siyang magtulak dahil sa hirap ng buhay.
"Mahirap po makakuha ng trabaho ngayon hindi katulad ng dati... Sa call center po, natanggal po," sabi ni Domingo.
Nakuha sa mga suspek ang 22 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P325,000, ilang drug paraphernalia, at ang tig-isang plastic ng marijuana at kush, o isang high-grade marijuana.
Sinabi ng mga awtoridad na nagpapalipat-lipat ang mga suspek sa kanilang modus na mag-check in sa mga hotel para mag-repack at transaksyon.
Dinala na sa Regional Drug Enforcement Unit Detention Cell sa Camp Bagong Diwa, Taguig ang mga dinakip. —Jamil Santos/VBL, GMA News
