Halos malagay sa panganib ang apat na sakay ng isang SUV nang kamuntikan silang mahulog sa ilog habang sinusunod ang itinuturong daan ng navigation app sa Gandara, Samar.

Sinabi ng Gandara MDRRMO na nagmula sa Cavite ang SUV at papunta sana sa Tacloban City, ayon sa GMA Regional TV Balitang Bisdak na inulat din ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Gayunman, hindi kabisado ng mga sakay ang daan kaya gumamit sila ng navigation app, hanggang sa dalhin sila nito sa ginagawang tulay sa Barangay Adela Heights.

Muntik nang magdire-diretso sa ilog ang SUV at mga pasahero nito dahil madilim at makapal ang hamog.

Sinagip sila ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News