Natagpuang nakahandusay sa loob ng isang bahay at wala nang buhay ang isang lalaki matapos siyang saksakin sa tagiliran ng hindi pa patukoy na salarin sa Bagong Silang, North Caloocan.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing humandusay ang biktima sa labas ng isang bahay sa Barangay 176 bago mag-1 a.m.
Nakita pa ng ilang residente ang lalaki na pasuray-suray habang naglalakad sa kalsada. Ilang saglit pa, tumakbo ang lalaki papasok ng bahay ngunit hindi maintindihan ang kaniyang sigaw, at sinabayan ito ng pagkahol ng aso.
Nang dumating ang mga kaanak, positibong tinukoy ang biktima na si Julius Roxas, 48-anyos, residente ng kalapit na Barangay 175 Camarin.
Ayon sa pinsan ng biktima, nakainuman pa niya si Roxas bandang 10 p.m., bago niya ito inihatid sa labasan para pauwiin.
Walang kakilalang kaaway ng biktima ang kaniyang mga kamag-anak.
Lumabas sa pagsisiyasat ng SOCO na nagtamo ang biktima ng isang saksak sa tagiliran.
Nakita ng mga awtoridad ang kapares na tsinelas ng biktima ilang metro ang layo mula sa lugar kung saan siya pumanaw.
Patuloy na iniimbestigahan ng Caloocan Police ang insidente. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
