Nararamdaman nang lilisan na siya sa mundo, ibinuhos na ng isang cancer patient ang natitira pa niyang lakas para matupad ang kaniyang huling hiling – ang makasayaw ang kaniyang nobyo sa huling pagkakataon.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing Enero 15, 2026 nang maramdaman na ni Charito Mundoy na hindi na siya magtatagal matapos ang kaniyang pakikipaglaban sa papillary thyroid cancer. 

Sinabi ng kaniyang pamangkin na si Yanny na dati nang naoperahan si Charito at sumailalim sa radioactive therapy. Gayunman, bumalik ang kaniyang mga bukol makaraan lang ang ilang buwan.

Nagkaroon din ng lymphoma si Charito at nakitaan ng senyales ng leukemia.

Sa kabila ng nararanasang hirap, nagpakatatag si Charito para sa kaniyang pamilya, lalo para sa kaniyang unico hijo.

Kahit na bagsak ang kaniyang katawan, pinilit ni Charito na makasama ang pamilya at makapagdiwang sila ng Bagong Taon.

Matapos ang dalawang linggo, kinausap na ni Charito ang kaniyang pamilya habang nakaratay sa ospital.

“2 a.m. something [noong January 15], she asked permission sa amin na mamamahinga na raw siya,” ayon kay Yanni, pamangkin ni Charito.

Kasabay nito, inilahad ni Charito ang kaniyang huling hiling. Gusto niyang makasayaw ang kaniyang nobyo sa huling pagkakataon.

Dahil dito, ibinuhos na ni Charito ang kaniyang natitirang lakas para bumangon at makasayaw ang nobyong si Daniel.

Nakaalalay kay Charito ang kaniyang mga kaanak kahit na nadudurog na ang kanilang mga puso habang pinanonood ang madamdaming tagpo.

Dalawang oras matapos nito, namaalam na si Charito.

Hindi na nakita ni Charito ang kaniyang anak sa huling pagkakataon dahil bawal ang bata sa ospital.

Bumuhos ang pakikiramay sa pamilya ni Charito, mula sa kaniyang mga malalapit na kaibigan, pati na rin sa kaniyang followers na nakilala siya bilang ang masayahing si “Miss World.” —VBL GMA Integrated News