Nasunog ang apat na bahay sa Alley 3 sa Barangay Palasan, Valenzuela City kaninang hatinggabi.
Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ikalawang alarma, hudyat para rumesponde ang mahigit 20 fire truck.
Naapula ang sunog matapos ang 45 minuto.
Ayon sa BFP, apektado ang nasa apat na pamilya.
Sa bilis ng pangyayari, may mga residente na walang naisalbang gamit kaya nananawagan sila ng tulong.
“Sa tagal-tagal naming nakatira rito ngayon lang po ito nangyari ganitong sunog. Talaga pong walang natira sa amin. Salamat na lang po talaga buhay yung mga anak ko at mama ko,” ani Kristal Lozano, isa sa mga residenteng nasunugan.
Bukod naman sa kanyang motorsiklo, naisalba ni Rogen Abil ang kanyang alagang aso at ilang mahahalagang dokumento.
“Patulog na po kami sir tapos biglang may usok na naamoy namin ngayon naglabasan na lang kami lahat para i-safety sarili namin,” ani Abil.
Nakituloy ang iba sa mga kaanak habang may ilan na pinagmalasakitan ng mga residente at pinatuloy sa bakanteng apartment.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng apoy maging kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian. — BAP GMA Integrated News
