Nagdulot ng pagbigat ng trapiko ang isang trailer truck sa Maynila sa pagsabit nito sa vertical clearance post ng LRT.

Ayon sa ulat ni Jamie Santos sa 24 Oras Weekend, tumama ang container na dala ng trailer truck sa vertical clearance post ng LRT sa Quirino Avenue.

Ayon sa driver ng trailer truck, nakakadaan naman sila rito dati. "Daanan naman talaga ng truck ito, yung Quirino [Avenue]," aniya. "Dito naman kami dumadaan."

Ngayon lang daw sumabit ang trailer truck niya. "Siguro dahil din sa kalsada na grabe naman ang tinaas ang daan, kasi patong-patong na po yung aspalto," dagdag niya.

Gumamit ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng boom truck para iangat ang sumayad na bahagi ng poste at i-weld ito.

Ininspeksiyon na rin ng pamunuan ng LRT ang pinsala, pero tumanggi silang magbigay ng panayam. Nakatakdang mag-usap ang pamunuan ng LRT at ang kumpanyang may-ari ng trailer truck. — BM GMA News