Lalaki na umano'y nagpakita ng maselang parte ng katawan sa isang menor de edad, sinaksak sa Maynila, ang mag-Tatay na suspek, arestado

Sapul sa CCTV ang pagdaan ng lalaking 'yan sa bahagi ng Crisolita Street sa Barangay 767 San Andres Bukid sa Maynila mag-aala una ng madaling araw nitong Miyerkules.

Ilang saglit lang, bumalik ang lalaki, bumunot ng kutsilyo sa kanyang bewang at itinarak ito sa tiyan ng lalaking nakaupo.

Mabilis na tumakbo ang biktima na sinubukan pang habulin ng salarin.

Hindi na nahagip sa CCTV ang mga sumunod na eksena pero sabi ng Sta. Ana Police Station, sakto na mayroong nagpapatrolyang mga pulis sa lugar.

Agad na nahuli ang nanaksak at ang anak nito na umano'y kasabwat sa nangyari kung saan nakuha sa kanila ang isang patalim.

Habang naisugod sa ospital ang biktima.

"That night nag iinuman yung suspek at anak niya,” ayon kay Police Lt. Col. Richard Villanueva, MPD 6 station commander.

“Nalasing then pinuntahan nila sa area, sinaksak nila yung tao habang nakaupo,” dagdag niya.

“May mga grudges na sila before doon sa area nila, pinaka highlight nun is yung anak ng suspek is parang nabastos din ng biktima natin tapos may sinasabi sila na ninanakawan sila nitong tao na 'to.”

Aminado naman ang kagawad ng Barangay 767 na mayroong mga record sa kanila ang 27 anyos na biktima at gumagamit din siya ng ilegal na droga.

“Basta everytime na mayroong reklamo, yun at yun ang laging sinasabi na paulit ulit na, si Emong, pinipilit buksan yung pinto namin, tapos sinisilip silip daw sila,” Kagawa Marites Raagas, Barangay 767.

“Mabait naman yang batang yan, tahimik, maaasahan mo sa lahat pero once na nakapag take na siya ng hindi dapat, dun na nagiging iba yung takbo ng isip niya,” ani Raagas.

Ayon naman sa Nanay ng biktima, alam niya na madalas narereklamo sa Barangay ang kanyang anak.

Mayroon daw kasi problema sa pag-iisip ang biktima pero wala silang hawak na dokumento na magpapatunay dito.

“Yung complainant sinasabi ko sa kanila, ikulong na lang ng maayos, hindi yung ganyan," ayon sa Nanay ng biktima.

“Yung complainant sinasabi ko sa kanila, ikulong na lang ng maayos, hindi yung ganyan. Ang ugali niya, papasok siya sa bahay, pero wala naman siyang ginagawa, nag iisip lang yung tao na, ay sisilipan niya yung anak ko eh, wala naman.”

Dahil sa nangyari, desidido siya na sampahan ng reklamo ang mga nanakit sa kanyang anak.

Ayon naman sa 45-anyos na suspek, napuno na siya at biktima kaya niya nagawa ang krimen.

Humihingi rin siya ng tawad sa pamilya at iginiit na walang kinalaman sa nangyari ang anak niyang kasama niyang nahuli.

Mananatili sa kustodiya ng Sta. Ana police Station ang mga suspek na nasampahan na ng reklamong frustrated murder. — BAP GMA News