Ipinamalas ng nasawing si Chris Lorenz Fabian ang diwa ng pagiging Boy Scout nang harangan niya ang pinto upang pigilan ang pagpasok ng mga salarin sa gitna ng walang habas na pamamaril ng dalawang estudyante sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang viral video ng 15-anyos na Grade 10 student na si Chris habang lumalapit sa pinto upang harangan ito habang namamaril ang kaniyang mga kaeskuwela.
Ilang saglit pa, tinamaan na ng bala si Chris.
“Sinarado niya 'yung pinto, hinihila naman ng gunman 'yung pinto, hindi niya binitawan. Nagalit 'yung gunman, binaril 'yung pintuan, lumusot po sa kamay at sa heart, sa lungs,” sabi ni Aleth Fabian, lola ni Chris Lorenz.
Sa isa pang video, makikita si Chris na nakahandusay at duguan.
“Pumasok lang po siya ng school para ano, patayin lang po na gano’n-gano’n lang?” sabi ni Erbea Fabian, ina ni Chris.
“Sabi po nila, hero siya kasi kung hindi daw po niya ginawa ‘yun, marami pang namatay sa mga kaklase niya. Sabi niya, ‘Iwanan niyo na ako, umalis na kayo, iligtas niyo na 'yung sarili niyo,’” dagdag ni Lola Aleth.
Saksi rin sa insidente ang nakababatang kapatid ni Chris, na nasugatan habang tumatakbo palabas ng eskuwelahan.
“Nandoon po sa room namin, kaming lahat. Malapit lang po (yung mga bumabaril). Pagkatapos nu’n, bigla silang pumunta sa Chico, namaril na sila,” sabi ng kapatid ni Chris Lorenz.
Iginiit ng pamilya Fabian na hindi bully si Chris.
“Hindi po 'yun bully. Maraming balang ginamit. Kung bully 'yun, 'yung nang-bully sa kaniya, 'yun na lang 'yung pinuntirya niya. Bakit lahat ng estudyante ang pinuntirya?” sabi ni Lola Aleth.
“Hindi po siya nambu-bully. Mabait po 'yung apo ko,” dagdag pa niya.
Nanawagan ang pamilya Fabian na mapanagot hindi lamang ang dalawang menor de edad na suspek kundi maging ang kanilang mga magulang.
“Hindi lang po 'yung mga bata ang managot. Pati po ang mga magulang nila,” sabi ni Erbea.
Ito rin ang panawagan ng pamilya ng pumanaw na 15-anyos na Grade 10 student na si Joyancee Separa.
“Gusto ko po makulong 'yung mga guardian, 'yung mga bata na 'yun, 'yung mga may-ari ng baril. Hindi 'yun mapupunta sa mga bata kung hindi galing sa kanila ‘yun,” sabi ni Jennylyn Badoria, ina ni Joyancee.
Si Joyancee naman ang kumuha ng viral video na nagpakita ng mga pangyayari sa loob ng kanilang silid-aralan habang nagaganap ang pamamaril.
“Gusto ko lang—I’m sorry. I’m sorry, Yancee. I’m sorry. I’m sorry, Yans. Hindi na siya makapagsalita kung ano ang nangyari sa kaniya, hindi na siya makapagsumbong sa akin. Wala na,” ani Jennylyn.
“Ang akala ko, sir, ligtas ang anak ko kasi nandoon sa paaralan. Doon pala magtatapos ang buhay niya,” sabi naman ng ama ni Joyancee.
Puno ng mga pangarap ang Grade 10 student na si Joyancee. Pangalawa siya sa tatlong magkakapatid.
“Sinabi niya sa akin na, ‘Mama, maniguro ako diyan. Gusto ko noon na ma-honor,’” paggunita ni Jennylyn.
Pumanaw rin ang 14-anyos na si Ayessa Nicole Dazo, na nahagip pa sa video habang buhat palabas ng eskuwelahan matapos tamaan ng bala.
“Hustisya. Makulong ‘yan, makulong. Hindi rin naman maibabalik ang buhay ng anak,” sabi ni Ariet Dazo, ina ni Ayessa Nicole.
“It is important that we do a thorough investigation on what the real motive was. Let’s not speculate,” sabi ni Alfred Romualdez.
“Oh, definitely. That’s being shouldered by the local government and the other agencies. You have to debrief them. You have to work with them muna,” dagdag ni Alfred Romualdez kaugnay sa tulong para sa mga pamilya ng mga biktima.
Maliban sa tatlong nasawi, umabot sa 20 ang sugatan sa walang habas na pamamaril.
Magkakaroon ng pagdinig ang Senado sa pamamagitan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa Hulyo 1.
Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na kabilang sa sisilipin sa pagdinig kung may papel ang mga online platform sa pagkalat ng mararahas na ideya, at kung sapat ba ang ginagawa ng mga ito upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa posibleng pang-aabuso.—MCG GMA News
