Isang overseas Filipino worker mula sa Dubai ang nadismaya nang makita na mistulang basura na ang ipinadala niyang mga pasalubong na inilagay sa balikbayan box nang dumating sa bansa.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing halos kasabay umano ng OFW na si Ferdinand Acupan nang dumating sa bansa ang ipinadala niyang balikbayan box.
Pero laking dismaya raw niya nang makita na mistulang basura na ang mga pinag-ipunan niyang mga pasalubong at halos wala na raw mapakikibangan.
"Parang nagkalkal na lang ako ng basura doon sa box, parang galing abroad pinadala mo rito as basura na lang," ayon kay Acupan.
Pati umano ang balikbayan box na padala ng kaniyang kasintahan na nagtatrabaho rin sa Dubai, halos pareho rin umano ang sinapit na nagkabutas-butas ang lalagyan ng mga liquid detergent at lotion na nakalagay sa kahon.
Sinisisi ni Acupan ang kompanya na pinagpadalhan niya ng balikbayan box na Makati Express Cargo.
"Sa sobrang balibag siguro ng mga box kaya siguro nagkaganyan. Pinagpaguran namin ang pera na 'yan, pinamili namin dapat nagkaroon sila ng care sa mga customer nila na nagpapadala sa kanila," hinanakit niya.
Paliwanag naman ng cargo forwarding company na sumalo sa padala sa Pilipinas, basang-basa raw ang balikbayan box nang dumating sa kanilang bodega.
Walang humarap sa camera para magpa-interview pero sabi ng mga nakausap ng GMA News na sinabihan nila ang mga OFW na huwag isama sa padala ang mga liquid items at lotion dahil may posibilidad na bumulwak ang mga ito kapag nadaganan.
Dagdag nila, maraming beses na raw itong nangyari.
Sinabi naman ni Acupan na tatlong beses na siyang nagpadala sa naturang kompanya kaya inakala niyang hindi iyon mangyayari.
Sa ulat, nagbigay ng payo sa paraan ng pagpapadala ng lotion o maging liquid detergent. Sa halip na lagyan lang ng packaging tape ang mga takip nito, mas makabubuting ilagay ang mga ito sa isang pang plastic container para mas protektado.
Ngunit para makasiguro, mas makabubuti umano na sundin ang mga paalala na huwag isama sa balikbayan box ang mga liquid product.
Sinabi ng cargo forwarding company na mas mabuti kung magsampa ng reklamo si Acupan, bagay na pinag-aaralan umano ng OFW. — FRJ, GMA News
