Hindi na umano muling magtatrabaho sa labas ng bansa ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos na makaranas ng pagmamaltrato sa Kuwait. Ang biktima, nagtatago pa raw sa banyo para lang makakain.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing sa tulong ng Pangasinan OFW Desk, nakauwi na sa San Carlos, Pangasinan ang domestic helper na itinago sa pangalang "Carla."
Dahil sa kaniyang biglaang pag-uwi, naglaho ang pangarap niyang makatulong sa pamilya, lalo na sa pag-aaral ng dalawang anak, kaya siya nangibang-bayan.
Nito lang nakaraang Hulyo umalis ng bansa si Carla patungong Kuwait para manilbihan. Pero makalipas lang ang tatlong buwan, napilitan na siyang bumalik sa bansa dahil nakaranas ng pagmamaltrato umano sa kaniyang amo.
"Hindi nila ako pinapakain sir, tapos binalik ako sa office, galit na galit sila, na pagbayarin nila ako. Sabi ko wala akong pambayad kasi nagpunta ako sa abroad para maghanap-buhay," kuwento ng OFW.
Para makakain, nagtatago pa raw siya sa banyo.
Ang hindi magandang karanasan ay nagdulot ng labis na trauma kay Carla kaya hindi na raw siya muling mangingibang-bansa para maghanap-buhay.
"Sinasaktan ako sir yung una kong amo... hinihila, binanatukan dito 'pag nagluluto ako. Kasi sabi ko wala akong alam sa pagluluto, pinipilit niya ako na may alam, 'pag mali binabatukan niya ako," kuwento ni Carla.
Sa kabila nang nangyari, masaya si Carla at maging ang kaniyang pamilya na muli silang magkakasama.
"Siyempre po masayang-masaya po. Kahit na po ganun po yung nangyari, at least po ngayon po kasama na po namin siya," ayon sa kaniyang anak.
Kabilang si Carla sa mga inalalayan ng Pangasinan OFW Desk para sa repatriation at tutulungan din na mailapit sa kinauukulang ahensiya para makuha ang kaniyang sahod at magkaroon ng livelihood program," ayon kay Elizardo Laureta. -- FRJ, GMA News
