May libu-libong bakanteng trabaho umano sa Amerika at Japan na maaaring aplayan ng mga Pinoy. Kabilang sa mga bakanteng trabaho ay physiotherapist at physical therapist na aabot daw sa P270,000 ang suweldo bawat buwan.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kailangan ngayon sa Amerika ang mahigit 3,6000 na physiotherapist at physical therapist, batay sa job orders na makikita sa data base ng Philippine Overseas Employment Administration.

Kabilang sa mga requirement ay pagkakaroon ng hindi bababa sa tatlong taong work experience sa trabahong aaplayan. Kailangan ding maipasa ang language proficiency exam na TOEFL o Test of English as a Foreign Language.

Ayon sa POEA, ang sahod ay aabot sa $30 hanggang $35 kada oras, na katumbas daw ng humigit kumulang P270 kada buwan.

"Pasok lang sila sa website ng POEA makikita na nila kung saan may opening ng physiotherapist o physical therapist, and then pumunta na sila dun sa agency wherein merong vacancies for that," paliwanag ni Jocelyn Sanchez, Deputy Administrator, POEA.

Pero bukod sa US, nakatanggap din umano ng job orders ang POEA mula sa Japan para naman sa mga trabahong welders at frame cutters.

Mahigit 5,000 bakanteng posisyon na pwedeng aplayan ng mga Pinoy workers, na ang sahod ay maaaring umabot ng P52,000 hanggang P62,000 kada buwan.

Ayon sa ulat, asahan daw na mas dadami pa ang magbubukas na trabaho para sa mga Pinoy na maaaring aplayan sa Japan sa Nobyembre kapag napirmahan na ang Memorandum of Understanding ng Pilipinas at Japan.

Ngunit paalala ng POEA sa mga mag-a-aplay magi-ingat sa mga illegal recruiter at alamin muna sa POEA kung accredit ang mga recruitment agencies at job orders na aaplayan. -- FRJ, GMA News