Iniutos ng Appeals Court sa Hong Kong na palayain ang isang Pinay na nakakulong matapos akusahang nangmolestiya ng walong-taong-gulang na alagang alalaki, ayon sa ulat ng South China Morning Post.
Batay sa ulat, mahigit apat na taon nang nakapiit ang Pinay domestic helper na hindi binanggit ang pangalan, at naghain ng apela sa korte kaugnay ng kaniyang kaso.
Sa desisyon ng korte, kinatigan ang apela ng Pinay at binaligtad ang naunang desisyon ng mas mababang korte kaya iniutos na palayain ng DH.
Binaliktad ng Appeal Court justices na sina Andrew Macrae, Ian McWalters, at Derek Pang Wai-cheong, ang desisyon ni District Court Judge Johnny Chan Jong-herng, dahil kabaligtaran daw at hindi tugma sa ebidesiya ang mga naging testimonya ng biktima.
Pinagsabihan din ng mga mahistrado ang mga piskalya na hindi raw ginabayan batang sinasabing biktima kaya hindi magkakatugma ang pahayag nito. -- FRJ, GMA News
