Isa na namang overseas Filipino worker ang sinasabing nawawala. Pero sa pagkakataong ito, sa bansang Syria naman.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng mga kamag-anak ni Michelle Alfonso sa Pilipinas na hindi na nila nakakausap ang OFW sa nakalipas na anim na buwan.
Ayon sa mga kaanak ni Alfonso, una nilang inakala na sa Malaysia siya patungo pero napag-alaman nila na nasa Syria pala.
Alam na umano ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kaso ni Alfonso.
Isa namang OFW sa Jeddah, Saudi Arabia ang hindi rin matunton matapos umanong tumakas mula sa kaniyang employer.
Samantala, sinabi rin sa ulat na 92 pang Filipino workers mula sa Kuwait na kumuha ng amnesty program ng nabanggit na bansa ang dumating sa Pilipinas nitong Linggo ng gabi.
Kabilang sa dumating si Jose Miraveles, na siyam na taon na sa Kuwait, na tinulungan umano ng mga kapwa OFWs na nag-ambagan para mabayaran ang kaniyang pagkakautang para hindi makulong.— FRJ, GMA News
