Imbes na maging English teacher sa China, naging kasambahay ang isang Pilipina pagkatapos maloko ng isang recruitment agency sa Pilipinas at partner na ahensya nito sa China.
Ayon sa ulat ni JP Soriano sa “24 Oras” naengganyo na mag-apply ng trabaho si “Rose” abroad dahil sa isang advertisement na kailangan umano ng English teachers sa China na susweldo ang mga ito ng US$640 or P34,000 kada buwan.
Wala pang isang buwan ay nakaalis nga si Rosa at ang kanyang mga kasamahang Pinay, ngunit nagbago ang kanilang kapalaran pagdating sa Beijing dahil binilinan na sila ng mga isasagot sa interview.
Nagduda na si Rosa ngunit wala raw siyang nagawa dahil wala siyang kilala.
"Puro peke ginawa nila sa dokumento, tapos may pinapirmahan sila sa amin pagdating sa Beijing. Walang translation sa English. Puro Chinese,” ani Rose.
Pagdating daw sa bahay ng employer, doon na nakumpirma ni Rose na siya ay magtatrabaho bilang kasambahay, hindi English teacher.
Dagdag pa ni Rose, inabuso rin daw siya ng kanyang employer dahil walang tigil ang kanyang pagtatrabaho at tinataguan rin raw siya ng pagkain.
Nangako naman ang POEA na tutulong sa kaso ni Rose.
"Reprocessing ang tawag du'n. Ngayon, guilty ang recruitment agencies ng either reprocessing or misrepresentation lalong lalo na kung alam niya na hindi naman talaga teacher 'yung trabaho na pupuntahan ng ating kababayan,” ani Bernard Olalia, administrator ng POEA. —Llanesca T. Panti/JST, GMA News
