Nakauwi na sa kaniyang bayan sa Mandaue City, Cebu ang 33-anyos na overseas Filipino worker na nakaranas ng pagmamaltrato sa kaniyang amo sa Saudi Arabia.

Sa ulat ni Chona Carreon ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, binalikan ng OFW na si Jemalyn Larobes ang dinanas niyang kalupitan sa kaniyang amo.

Kuwento niya, limang buwan siyang natrabaho sa KSA bilang domestic helper. Pero sa unang dalawang buwan pa lang niya roon, nakaranas na siya ng pang-aabuso.

Nang makahanap ng tiyempo, kinunan niya ng litrato ang kaniyang mga tinamong pasa na gawa ng pananakit ng kaniyang amo at ini-upload sa social media para makita ng kaniyang pamilya at makahingi ng tulong sa mga kinauukulan.

"Nagagalit siya [amo] kung tinatawag niya ako at hindi ako agad nakakalapit sa kaniya kasi ako lang mag-isa sa bahay. Hindi rin niya kuntento sa mga nililinis ko. Kung may mawala sa bahay, ako agad pinagbibintangan...kaya sinasaktan niya ako. Saan ko raw ba nilalagay yung mga gamit," kuwento ni Larobes.

Dagdag niya, "Ang hirap nang sinapit ko sa Saudi, ang malas ko doon."

Matapos dumulog ang kaniyang pamilya sa lokal na pamahalaan, na nakipag-ugnayan naman ito sa Overseas Workers Welfare Administration, hanggang sa na-rescue si Larobes at nakauwi na nitong linggo.

Labis ang pasasalamat niya sa mga tumulong sa kaniya para makauwi.-- FRJ, GMA News