Isang overseas Filipino worker ang nanawagan ng tulong para makauwi na sa Pilipinas matapos siyang masugatan bunga ng pagtalon mula sa ikatlong palapag ng isang gusali sa Dubai para takasan ang agency na nanloko umano sa kaniya.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabi ng OFW na itinago ang pagkakakilanlan, na Disyembre nitong nakaraang taon nang magpunta siya ng Dubai para maging domestic helper.

Pagdating sa airport, may sumundo raw sa kaniya sa kaniya at dinala siya sa agency.

Pinangakuan umano siya na may employer na darating pero isang linggo na ang lumipas ay wala pa ring nangyari.

"Isang linggo po ako doon, walang pagkain. Ikinukulong po kami," umiiyak niyang kuwento.

Hindi rin daw siya pinayagang gumamit ng cellphone para kausapin ang kaniyang pamilya.

"Doon na 'ko nag-decide na tumalon. Wala akong pakialam kung mamamatay ako basta makatakas lang," saad niya.

Isang kababayan ang nakakita sa kaniya at nagmagandang-loob na dalhin siya sa Philippine Overseas Labor Office.

Pero hindi kaagad siya makauwi dahil nasa agency raw ang kaniyang passport.

Kaya sa kabila ng kaniyang dinanas sa agency, nakiusap pa rin ang OFW na ibalik ang passport para makauwi na.

Iniimbestigahan na umano ng Labor office ang insidente at nagbigay na rin ng payo sa mga nais mag-OFW na tiyakin na lehitimo ang agency na magpapaalis sa kanila.

"Kung may nangangako po sa inyo ng trabaho, tiyakin niyo po na ito ay lisensiyadong ahensiya at 'yun pong employer at accredited din ng POEA," paalana ni Felicitas Bay, Labor Attache, POLO, Dubai.-- FRJ, GMA News