Isang Pinay domestic helper na napatunayang nagkasala umano sa kasong pagpatay ang binitay sa Saudi Arabia, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Huwebes.
Batay sa impormasyon na nagmula kay Ambassador Adnan Alonto, sinabing ipinatupad ang parusa sa 39-anyos na Filipina noong Martes.
"The Department regrets that it was not able to save the life of the Filipina after the Saudi Supreme Judicial Council classified her case as one in which blood money does not apply under Shariah law," saad ng DFA sa pahayag.
Ang blood money ay paraan ng kompensasyon sa kaanak ng biktima na maaaring magsalba sa buhay ng akusado kung tatanggapin nila ang iniaalok na halaga.
Hindi na inilabas ng DFA ang pagkakakilanlan ng binitay na Pinay batay na rin umano sa kahilingan ng mga kaanak nito.
Ayon sa DFA, pinagkalooban ng legal na ayuda ang Pinay sa buong proseso ng paglilitis, at ipinapaalam sa pamilya nito.— FRJ, GMA News
