Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes na kabilang ang isang mag-asawang Pinoy sa mga nasawi sa sunog na tumupok sa isang apartment building sa Paris noong Martes.

"The Department conveyed its sympathies after the Philippine Embassy in Paris tonight received confirmation from the Crisis Center of the Paris Prefecture under the French Ministry of Interior that a couple of Philippine nationality were among the 10 people who were killed in the fire on Rue Erlanger at the 16th Arrondissement of Paris," ayon sa pahayag ng DFA.

Humingi umano ng tulong sa Philippine Embassy ang anak ng mga biktima nang maiulat na nawawala ang kaniyang mga magulang.

Gayunman, hindi pinangalanan ni Philippine Ambassador to France Ma. Theresa Lazaro ang mag-asawang biktima.

Nakaligtas naman sa trahediya ang apat pang Pinoy na naninirahan din sa nabanggit na gusali.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang isang babae na mayroon umanong history ng problema sa pag-iisip na hinihinalang nasa likod ng nangyaring sunog.— FRJ, GMA News