Ginagawa na umano ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng paraan para mailigtas sa bitay ang isang Pilipinang nakapatay ng kaniyang amo sa Saudi Arabia.
Ayon sa DFA nitong Sabado, kinatigan ng Saudi Court of Appeals noong nakaraang Huwebes ang hatol na bitay noong 2017 laban sa Pinay Overseas Filipino Worker (OFW).
Iginiit ng akusadong Pinay na ipinagtanggol lang niya ang kaniyang sarili kaya napatay niya ang kaniyang babaeng amo noong 2016.
Nangako ang mga opisyal ng Philippine Consulate General sa Jeddah na patuloy na tutulungan ang OFW na nasa death row.
Ayon kay Consul General Edgar Badajos, simula pa lang ng pagdinig sa kaso ng Pinay ay nagpaabot na ng tulong ang kanilang tanggapan tulad ng pagbibigay ng abugado at pagpapadala ng kinatawan sa bawat pagdinig.
Hahabulin din umano ang mga recruiter na nagpasok sa naturang OFW dahil menor de edad pa siya nang unang makipagsapalaran sa Saudi noong 2016.-- FRJ, GMA News
