Lilimitahan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapadala ng mga skilled worker sa abroad tulad ng mga electrician, tubero at welder, kasunod ng kakulangan ng mga ito sa Pilipinas dahil ang karamihan sa kanila ay sa ibang bansa na nagtatrabaho.

Dahil sa naturang plano ng DOLE, may ilang manggagawa na nais na magtrabaho sa ibang bansa ang nangangamba, ayon sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes.

Kabilang dito ang electrician na si JM Panuayan, na aminadong hirap siyang pagkasyahin ang P550 kinikita bawat araw sa Pilipinas.

Kaya naman plano sana ni Panuayan na makapag-abroad para makaipon at makatulong sa kaniyang mga magulang.

"Mas malaki ang sahod du'n kaysa Pilipinas. Makapagtayo ng sariling bahay sa probinsya, magkaroon ng kapital sa negosyo," ayon kay JM.

Ngunit nangamba si JM dahil sa anunsyo ng DOLE.

"Kinakabahan na eh kung patitigilin, 'di na matutuloy pangarap ko," anang binata.

Sabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, hahayaan lang nilang magpadala ng skilled workers sa mga bansa kung may kahilingan mula sa kanilang pamahalaan.

"Kung talagang may request 'yung mga diplomatic officers, high-ranking government officials du'n sa foreign countries, that's when we lift restriction. Otherwise hindi na kami nagde-deploy ng overseas workers," paliwanag ng kalihim.

Una rito, sinabi kamakailan ni Pangulong Duterte na naatraso ang ilang proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng Build Build Build program dahil sa kakulangan ng mga manggagawa.

"'Yung Build Build Build, medyo atrasado nang konti. Walang trabahante. Karamihan ng may alam niyan, wala na dito sa Pilipinas at doon na sa Middle East," sabi ni Duterte.

Walang maibigay na datos ang DOLE kung ilan ang skilled workers na nasa Pilipinas at kung ilan ang kailangan ng mga construction company.

Tumanggi namang magbigay ng panayam ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na siyang nagpo-proseso ng job order abroad, at hindi rin nila naibibigay pa kung ilang job order para sa skilled workers ang itinigil nila ang pagproseso.

Sa kabila ng pagiging in-demand ng mga skilled worker sa ibang bansa, wala namang indikasyon na magkakaroon sila ng dagdag-suweldo kapag nanatili sila sa bansa.

Nasa pagpapasya umano ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board kung magkano ang dagdag-sahod na ibibinigay sa kanila kada taon.

"Plumbers, electricians, carpenters, nag-a-average ng P800-P1000 pesos a day 'yan, ganu'n ka-on demand ang kanilang services," saad ni Bello.-- Jamil Santos, GMA News