Nangangailangan ngayon ng daan-daang caregiver at nurse ang Japan at Saudi Arabia, kung saan puwede umanong kumita ng mula P40,000 hanggang P90,000 kada buwan, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras " nitong Biyernes, sinabing 300 caregivers at 50 nurse ang kailangan ng Japan.
Sa mga gustong mag-apply, kailangan ay isang nursing graduate, may aktibong PRC license, at may tatlong taong work experience bilang nurse.
Para naman sa mga gustong mag-caregiver, kailangan ay nursing graduate pero kahit wala pang PRC license, pwedeng mag-apply o kaya ay graduate ng anumang four-year course na mayroong National Certificate 2 o NC2 mula sa TESDA.
Ngunit handa dapat na mag-aral ng wikang Nihongo ang mga aplikante sa Japan na sasailalim sa anim na buwang language proficiency training dito sa Pilipinas.
Pero kung kung naipasa na ng aplikante ang Japanese proficiency exam at meron nang N4, hindi na kailangan ang language proficiency training
"'Yung nurse natin that will be hired for this EPA, may posibilidad siya na tumanggap ng P40,000 to P90,000 per month. Pagka caregiver, nasa P40,000 din to around P82,000 hindi malayo," sabi ni Bernard Olalia, administrator, POEA.
Nangangailangan naman ng 500 female specialist nurses ang Ministry of Health ng Saudi Arabia.
Kailangan ay graduate ng nursing at PRC board license, at one year work experience.
Libreng tirahan at pagkain, libreng roundtrip ticket kada taon at paid annual vacation leave ang ilan lamang sa mga benepisyo.
"Ang suweldo naman ng ating mga nurses patungo sa KSA is nasa P57,000 more or less per month," sabi pa ni Olalia.
Libre at walang babayarang placement fee dahil government to government ang transaksyon.
Kailangan lamang mag-apply sa POEA sa pamamagitan ng pagrehistro sa POEA website at ipasa ang mga paunang requirements bago pumunta sa POEA office.
Nagpaalala naman ang POEA sa mga illegal recruiters.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
